-- Advertisements --

Bumuo nang task force ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para imbestigahan ang pagkawala ng isa nilang agent na nakilalang si Merton Fesway na pinaniniwalaang dinukot.

Dahil dito, naglabas na ng diektiba si PDEA Director General Wilkins Villanueva para paganahin na ang “Task Force Fesway”.

Ang task force ay binubuo ng 24-man intelligence and investigation team
para imbestigahan ang pagkawala ng kanilang agent at para matunton ang kinaroroonan ng nawawalang anti-drug operative.

Si Fesway, ay 38-anyos, tubong Samoki, Bontoc, Mountain Province, at kasalukuyang naka assigned sa PDEA Regional Office III, Pampanga Provincial Office sa Angeles City.

Naiulat na missing ang nasabing PDEA agent gabi nuong June 25,2021.

Batay sa report nakatakda umanong makipag kita si Fesway sa isang confidential informant bago pa man ito naiulat na missing o nawawala.

Siniguro naman ni Villanueva na hindi sila titigil hanggat hindi nila natatagpuan ang nawawalang PDEA agent.

Umaasa din ang hepe ng PDEA na nasa ligtas at mabuting kalagayan ang missing agent.

Sa ngayon hindi pa masabi ni Villanueva ang posibleng motibo sa pagkawala ni Fesway.

Samantala, nagbabala ang pamunuan ng PDEA sa publiko hinggil sa mga nagpapakilalang mga pekeng PDEA agents.

Ayon kay Villanueva may mga insidente na batay sa mga ikinasang police operations may mga drug personalities ang nagpapakilalang agent ng ahensiya.