-- Advertisements --

Naniniwala si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Wilkins Villanueva na binibigyan umano ng maling mga impormasyon ng mga miyembro ng oposisyon ang International Criminal Court kaugnay sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

“Political opposition, sila ang mga mag-aano doon… remember ha, kung dito talaga kinukuha ang data na ‘yan eh how come na 91% ang approval rating ni Presidente and how come eight out of ten Filipinos approved the war on drugs of the President,” wika ni Villanueva.

Hindi naman tinukoy ng opisyal kung sino sa mga taga-oposisyon ang umano’y nagbibigay ng datos sa ICC.

Giit ni Villanueva, binibigyan lamang ng oposisyon ng maling mga datos ang ICC upang sirain ang imahe ng Duterte administration, lalo pa’t malapit na naman ang panahon ng halalan.

“Para papangitin ang administration so that meron silang chance [in] the next election, kasi right now parang wala silang chance ngayon because nagkakasabay-sabay kasi ‘yung success stories,” dagdag ng opisyal.

“Right now talagang all they have to do is talagang sisirain nila ‘yung incumbent and ‘yung proyekto ng gobyerno so ‘yun ang pwede nilang magawa.”

Kaugnay nito, kinuwestiyon din ni Villanueva ang pag-uugnay kay Pangulong Duterte sa crimes against humanity.

“‘Yung crimes against humanity parang nasa level ‘yan ng holocaust eh, holocaust, ‘yung sa Khmer Rouge ng Cambodia, eh wala namang nangyayaring ganoon dito sa Pilipinas,” ani Villanueva.

“At the same time, papasok lang dapat ang ICC kung hindi nagpa-function ang judicial branch natin,” dagdag nito.

Giit ng hepe ng PDEA, nasa halos 6,000 suspected drug personalities lamang ang napatay sa war on drugs ng gobyerno.

Una rito, batay sa pinakahuling report ng Office of the Prosecutor ng ICC, mayroon umanong “reasonable basis” para sabihing may nangyaring crimes against humanity sa ilalim ng kampanya kontra iligal na droga ng Pangulong Duterte.