Tiniyak ni PDEA Director General Aaron Aquino, na hindi sila matitinag sa nangyaring pagpatay sa isa nilang PDEA agent sa Cebu na tinambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan.
Ayon kay Aquino, sila ay nagluluksa sa pagkamatay ni Investigation Agent III Earl “Baby” Rallos, 48-anyos at residente ng Labangon, Cebu City.
Tinambangan si Rallos habang pauwi na ito sa kaniyang bahay ng dalawang hindi nakikilalang motorcycle riding gunmen.
Nagtamo ng multiple gunshot wounds sa ibat ibang bahagi ng katawan na naging dahilan sa kaniyang agarang pagkamatay.
Siniguro naman ni Aquino na mananagot ang mga nasa likod sa pagkamatay ng kaniyang tauhan.
” We will make sure that his death will not pass without worth as we will continue our fight against the illegal drugs industry,” pahayag ni Aquino.
Babala naman ni Aquino sa mga nagbabalak na sila ay saktan, mas lalo pang paiigtingin at palalakasin ng PDEA ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Giit nito hindi sila natatakot sa mga banta ng mga kriminal.
Pagtiyak ni Aquino na hindi sila titigil sa kanilang kampanya hanggat hindi nauubos ang mga sindikato ng iligal na droga.