LEGAZPI CITY – Ipinapaubaya na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol sa pulisya ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon sa alegasyon ng robbery/extortion laban sa sinasabing agent ng ahensya.
Ito matapos ang tangkang pangingikil umano ng nagpakilalang PDEA asset sa isang negosyante na sinasabing nahulihan ng isang kilo ng shabu.
Sa ekslusibong panayam nga Bombo Radyo Legazpi kay PDEA Bicol Director Christian Frivaldo, hindi pa nabeberipika sa ngayon kung talagang asset nila ang naturang babae.
Dagdag pa ni Frivaldo na maituturing na espekulasyon ang mga pahayag laban dito lalo pa at wala silang hawak na opisyal na report ng palitan ng pera.
Posibleng konektado aniya ang nangyari sa bigtime operation na isinagawa sa lungsod ng Naga kung saan narekober ang nasa P13.6 million halaga ng shabu.
Pag-aaralan rin ng PDEA sa imbestigasyon ang background ng naturang complainant.
Samantala, sakaling mapatunayan ang mga ibinabatong alegasyon, siniguro ng PDEA ang pagsasagawa ng kaukulang aksyon.