-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Todo paliwanag ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang dahilan kung bakit nila binawi ang deklarasyon bilang drug free sa limang bayan sa Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dexter Sayco, team leader ng PDEA-Pangasinan, sinabi nito na may mga drug personalities sa limang bayan na ito na kabilang sa drug list ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sumuko naman aniya sa mga otoridad ang mga personalidad na ito kaya nila idineklara bilang drug cleared ang mga bayan kung saan sila naroon.

Ngunit huli na nilang nalaman na ang National Adjudication Board na pala ang may karapatan na magdeklara at mag-validate kung malinis na sa droga ang mga naturang lugar kaya naman binawi ng PDEA ang kanilang deklarasyon.

Base sa report ng PDEA, 31 bayan at syudad sa probinsiya ang nauna nang naideklara bilang drug cleared kabilang ang Agno, San Nicolas, Binalonan, San Jacinto at Bautista.