Pumapatak pa umano sa mahigit P14-bilyong halaga ng iligal na droga ang nasa kasalukuyang pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, sinabi nito na batay sa kanilang pinakahuling inventory, umaabot na lamang sa nasabing halaga ang hawak nilang ipinagbabawal na gamot, mula sa lampas P22-bilyon.
Paglalahad pa ni Carreon, noong Agosto nang sinunog ng PDEA at PNP ang nasa dalawang tonelada ng illegal drugs na pumapalo ng P13-bilyon, na nagmula sa pinagsamang mga drogang nasabat ng dalawang ahensya.
Kaugnay nito, siniguro naman ni Carreon na “very secured” ang mga drug evidence na nasa kustodiya nila at ng PNP at National Bureau of Investigation.
Paliwanag ng opisyal, maliban sa makabagong teknolohiya na kanilang ginagamit, may iba’t ibang tao ang may hawak ng tig-iisang susi sa bawat kandado ng kanilang mga evidence vault.
“Hindi po basta-basta nailalabas ‘yan hangga’t walang kautusan ang korte para ilabas ‘yan at dalhin sa korte for the presentation of evidence,” wika ni Carreon.
Una rito, tiniyak ni PNP Chief PGen. Camilo Cascolan na masisira sa 10 araw ang mga nakumpiska nilang iligal na droga sang-ayon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.