Nakahanda umano ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magpaliwanag at idepensa sakaling kuwestiyunin ng Commission on Human Rights (CHR) ang ilalabas nilang listahan na pangalan ng mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga.
Kinumpirma ni PDEA chief Aaron Aquino, may “go signal” na raw sila mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga barangay officials na dawit sa ipinagbabawal na gamot.
Binigyang diin pa ni Aquino, kinakailangan na talagang birahin ang mga nasabing barangay officials dahil mahaba-haba pa raw ang aabutin kung sasampahan lang sila ng kaso at kung papatagalin pa ito ay patuloy pa silang mamamayagpag sa mga komunidad.
Sinabi ni Aquino, dapat malaman na rin ng publiko kung sinu-sino ang mga ito nang sa gayon, hindi na nila ito iboboto pa sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sa tala ng PDEA, nasa 211 na mga pangalan ng barangay officials ang nasa kanilang narco-list.
Dagdag pa ng PDEA chief, nasa 293 daw ang kabuang bilang na ito pero marami na umanong naaresto at namatay kaya 211 na lang ang natira.
Bukod sa 211 barangay officials, nasa 93 vice mayor, mayor at iba pang matataas na opisyal na sangkot sa illegal drug trade.
Samantala, suportado naman ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde ang hakbang ng PDEA na ilabas ang pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Albayalde, mas mainam umano ito dahil magkakaroon na ng ideya ang mga botante kung sino ang kanilang iboboto.