-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko hinggil sa mga nagpapanggap na agents ng ahensiya.

Ito ay kasunod sa nagdaang anti-drug operation kung saan napatay sa operasyon ang isang indibidwal na nagpakilalang PDEA agent.

Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang napatay na suspek na si Noel Vasquez, 32 years old, residente ng Barangay San Jose, Bombon, Camarines Sur.

Ayon kay Villanueva, August 2, 2021nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Bombon Municipal Police Station laban kay Vasquez na nauwi sa labanan.

Batay sa ulat ng PNP, ang suspek na si Vasquez ay kabilang sa watch list ng mga drug personalities na siyang pinagkukuhanan ng illegal drugs sa lugar at maging sa mga karatig bayan.

Ayon kay Villanueva, modus operandi ng suspek na magpakilalang PDEA agent para matakot sa kaniya ang kaniyang mga kakumpitensiya sa illegal drug trade.

Sa record ng PDEA National Drug Information System (NDIS), si Vasquez ay isang drug surrenderer mula sa Barangay Liboton, Naga City, Camarines Sur.

“Falsely representing a person of authority is a serious crime punishable by law. People like Vasquez who are openly doing their illicit activities, leads to erosion of trust and confidence in PDEA. Ito ang mahirap. Mag-trabaho man kami ng mahusay, napapasama pa rin kami sa mata ng publiko,” pahayag ni Villanueva.

Hinimok ni PDEA chief ang publiko na maging mapag bantay at agad beripikahin sa pinaka malapit na PDEA Office ang identity ng isang indibidwal na nagpapanggap na ahente ng ahensiya.

Maari din magsumbong ang publiko sa pamamagitan ng ‘Isumbong Mo Kay Wilkins!’ facebook page o tumawag o mag-text sa kanilang hotline numbers 09953547020 at 09310278212.