Hinikayat ni Office of Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon ang Philippine Drug Enforcement Agency na sampahan nito ng kaukulang kaso ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng mga dokumento laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, ang naturang mga dokumento ay nagdadawit umano sa Pangulo sa iligal na droga.
Sa naging liham ni Gadon sa PDEA, iginiit nito na ang naturang mga gawa-gawang dokumento ay kumakaladkad sa malinis na pangalan ng Pangulo.
Punto pa ng opisyal na bagamat itinanggi ng PDEA ang naturang dokumento, hindi naman aniya ito sapat para mahinto ang paninira sa Punong Ehekutibo ng bansa.
Dapat aniyang kasuhan ang mga ”fake news peddlers” upang hindi na ito tularan ng iba.
Kung maaalala, kumalat ang pekeng dokumento na nagsasabing subject ng isang operasyon ng PDEA si PBBM.