-- Advertisements --

Nakatakda raw magsagawa ng dayalogo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kampo ng singer na si Shanti Dope kaugnay sa plano nilang ipagbawal sa pagpapatugtog sa ere ng awiting “Amatz.”

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay PDEA spokesperson Dir. Derrick Carreon, sinabi nitong mananawagan din sila sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at sa media na dumalo sa dayalogo para mapag-usapan ang naturang isyu.

Pero iginiit ni Carreon na hindi maganda ang lyrics ng awitin ni Dope lalo na ang paulit-ulit na linyang “lakas ng amats ko” na posibleng hindi pa umano masyadong maunawaan ng mga musmos na bata lalo na ang mga may edad tatlo hanggang 10 taong gulang.

Posible raw itong mag-trigger sa “curiosity” ng mga bata at magkaroon ng “potential harm” lalo na kapag ang mga magulang mismo ay hindi kayang maipaliwanag ang naturang linya ng kanta.

Maigi umanong silipin din ito ng MTRCB para malaman kung angkop nga ba itong ipatugtog lalo na sa mga radio stations.