-- Advertisements --

Ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang malalim na kuneksiyon ng POGO at ng mga drug syndicates sa pagdinig ng Quad Comm ngayong araw.

Iprinisinta sa Quad Comm ni PDEA Deputy Director General Renato Gumban ang matrix na nagpapakita kung papaano isinasagawa ng mga transnational sysndicates ang drug trafficking, money laundering at ang kwestiyunableng pagbili ng mga lupa ng mga banyaga dito sa Pilipinas.

Nagsimula ang imbestigasyon sa ikinasang joint operations nuong September 24,2023 kung saan nasa 560 kilos ng umanoy shabu ang nasabat sa Mexico, Pampangan na nagkakahalaga ng P3.6 Billion.
Nasabat ang mga nasabing iligal na droga sa warehouse na pagmamay-ari ng isang Willie Ong na kilala din bilang si Cai Qimeng na isa ding incorporator ng Empire 999 Realty Inc., na isang malaking kumpanya na sangkot sa illicit activities.

Kabilang din ang Golden Sun 999 Realty Inc. and Development Corporation at Yatai Industrial Park na parehong may kaugnayan kay Ong at Aedy Yang.

Ang Golden Sun 999 ay may kaugnayan kay Rose Nono Lin na sangkot sa kontrobersiyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Sa presentasyon ng PDEA natukoy ang direktang kuneksiyon sa pagitan ng POGO at criminal syndicates.

Tinukoy dito ang Hongsheng Gaming Technology isang POGO operator na naka base sa Bamban, Tarlac bilang key player.

Ito ay pinondohan ng bilyon bilyong halaga kabilang si Hong Jiang Yang ang kapatid ni Micahel Yang.

Pinarentahan ng Hongsheng Gaming ang kanilang facilities mula sa Baufu Land Development Inc., na pagmamay-ari ni Alice Guo.

Sinabi ni Rep. Gerville Luistro na nakakabahala ang nasabing mga rebelasyon.