Isinapubliko na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng mga barangay official na sangkot sa illegal drug trade.
Kaugnay nito, nasa 207 na pangalan ang nasa narco list na isinailalim sa validation ng apat na intelligence agency gaya ng PDEA, Philippine National Police (PNP), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Sa nasabing bilang, 90 rito ang barangay captain habang 117 ang barangay kagawad.
Nilinaw ni PDEA Director General Aaron Aquino na ang naturang listahan ay hindi magsisilbing “hit list.”
Aniya, may basbas mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang listahan kahit hindi pa nasasampahan ng kaso ang mga sangkot na opisyal.
“The disclosure of the names of barangay officials involved in illegal drug business is first and foremost a direct order from Pres. Rodrigo Duterte,” pahayag ni Aquino.
Nakahanda namang harapin ng PDEA sakaling may magsampa ng kaso laban sa kanila at ang kanilang legal department ang bahala rito.
Karamihan sa mga nasasangkot na barangay officials ay mula sa Region 5 na may 70, sumunod ang Cordillera Adminsitrative Region na may 34, at Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa 13.
Tiniyak naman ng PDEA na sasampahan nila ng kaso ang mga personalidad na nasa narco list batay sa mga hawak nilang ebidensiya.
Dagdag pa ni Aquino, ipagpapatuloy ng PDEA ang case build up para magkaroon sila ng “air tight case” laban sa mga narco barangay officials.
Nakatakda ring magbigay ng kopya ang PDEA sa Commission on Elections na siyang magiging basehan at matukoy ang mga tumatakbo ngayong halalan.
“PDEA has a greater responsibility to the state and the public because the interest of the majority is greater than that of the erring few,” wika pa ni Aquino.
Samantala, sasampahan na ng kaso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Ombudsman ang nasa 16 na barangay chairmen na hindi operational ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).
Ayon kay DILG officer-in-charge Secretary Eduardo Año, ang mga barangays na walang BADAC ay maliwanag na kapabayaan sa kanilang hanay lalo na sa kampanya ng pamahalaan sa iligal na droga.
Bibigyan din ng kopya ng narco list ang mga regional police offices at PDEA regional office sa buong bansa.
Dagdag pa ni Año, may pananagutan din ang mga pulis lalo na yaong mga sangkot sa iligal na droga.