-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Aminado ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol na mayroong bagong modus ngayon ang mga drug personalities kahit pa may restrictions dahil sa coronavirus disease pandemic.

Ayon kay PDEA Albay Provincial Officer Noeh Sallan Bruigel sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy ang mga transaksyon na mga drug suspects kahit pa may pandemya.

Lumalabas naman sa intelligence monitoring ng ahensya na online na rin ang transaksyon ng mga drug pushers at ginagamit pa ang mga patok na courier services upang hindi paghinalaan ang iligal na aktibidad.

Kaugnay nito, nakatakdang makipag pulong ang PDEA sa mga kinatawan ng iba’t ibang courier service upang makipag tulungan sa ahensya sa pagpapaabot ng impormasyon hinggil sa mga kahina-hinalang mga deliveries.

Karaniwan kasi umanong isinasabay sa mga order na pagkain o gamit ang iligal na droga kaya hirap ang mga operatiba sa paghahabol sa mga drug suspects.

Samantala, nabatid na noong taong 2020 umabot sa P20 billion na halaga ng iba’t ibang uri ng illegal drugs ang nakumpiska ng mga otoridad sa buong lalawigan.