-- Advertisements --

Nakakumpiska ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng tinatayang ₱129.64 milyon halaga ng ilegal na droga sa isinagawang 47 operasyon mula Abril 4 hanggang 11 sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa ulat ng ahensya nitong Lunes, 53 indibidwal ang naaresto, habang nasamsam naman ang:

  • 16.44 kilo ng hinihinalang shabu
  • 150.96 gramo ng tuyong dahon ng marijuana
  • 20 kilo ng kush (high-grade marijuana)
  • 72.53 kilo ng tanim na marijuana
  • 496 piraso ng ecstasy
  • 1 milliliter ng cannabis oil

Binigyang-diin ni PDEA Director General Isagani Nerez na ang mga bilang na ito ay hindi lamang istatistika kundi simbolo ng mga buhay na nailigtas at mga pamayanang naipagtanggol mula sa banta ng ilegal na droga.

Ayon kay Nerez, ang PDEA ay patuloy na nakatindig sa harapan ng kampanya kontra droga ng pamahalaan, alinsunod sa hangarin ng Pangulo para sa isang Bagong Pilipinas kung saan umiiral ang kaayusan at kaligtasan.

Dagdag pa niya, nakikipagtulungan ang PDEA sa iba pang ahensya ng gobyerno, civil society organizations, at mga lokal na pamahalaan sa laban kontra droga, taglay ang integridad, kakayahan, at tapang.

Iniulat din ng PDEA na ₱6.9 bilyon halaga ng droga ang kanilang nasamsam sa unang tatlong buwan ng 2025, bilang bahagi ng pinaigting na operasyon laban sa high-value targets at mga organisadong grupo ng mga drug trafficker. (Report by Bombo Jai )