-- Advertisements --

Nilinaw ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi naglalabas ang kanilang Laboratory Service ng drug testing result sa publiko partikular sa media.

Ang pahayag ng PDEA ay bunsod sa mga kandidatong dumulog sa ahensiya para sumailalim sa drug testing.

Ayon kay PDEA Spokesperson Director Derrick Carreon hindi nila pwedeng ibunyag o ilabas ang resulta dahil sa confidential ito at paglabag din sa kanilang procedures sa ilalim ng ISO 9001:2015 Quality Management System.

Dagdag pa ni Carreon na tanging sa requesting party lamang nila ilalabas ang resulta.

Sinabi ni Carreon, nasa mga kandidato na o mga requesting party kung kanilang ilalabas ang drug test result.

Magugunita na ilang mga kandidato para sa national and local election sa May 2022 ang nagtungo sa PDEA para sumailalim sa drug testing.

Nauna na rito sina Senator Ping Lacson at Sen Tito Sotto, sumunod si Presidential aspirant Isko Moreno.

” Hindi po pwede i-reveal ng PDEA Laboratory Service ang resulta dahil confidential ito and it will violate our procedures. Tanging ang mga kandidato, requesting party lamang ang maaaring maglabas ng drug test results nila kung gusto po nila,” pahayag ni Dir. Carreon.