CAGAYAN DE ORO CITY – Pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kumakalat na news article kung saan binanggit na matagal na umanong tukoy ang malaking government official ng Cagayan de Oro City na nagsilbing druglord.
Tinukoy ni PDEA 10 – Misamis Oriental Team Supervisor Kent Cardona ang fake news na makikita ang pagmumukha ni Director General Moro Virgilio Lazo kasama ang isang statement na tumukoy umano sa local official na nasa illegal drug trade.
Diretsahang sinabi ni Cardona na bagamat hindi pinangalanan kung sino ang binanggit na opisyal subalit batay sa kanilang imbestigasyon kasama ang ibang law enforcement agencies ay kailanman ay wala silang nakuha na ebedensiya laban kay incumbent City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy.
Sinabi ng opisyal na kailanman ay hindi nagbanggit si Lazo na ganoong ka-iresponsable na pahayag laban sa alkalde kaya agad nila itong sinagot at pinabulaanan.
Magugunitang noong 2022 elections ay katulad na isyu ang ipinukol laban kay Uy subalit sa halip na itatakwil ng mga botante ay siya pa ang hinirang na panalo laban sa dalawa pa nitong karibal.