-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sang-ayon umano ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa hiling ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maisapubliko ang hawak nilang narco-list bago ang May 13 midterm elections.

Ngunit, ayon kay PDEA Spokesman Derick Carreon sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, hindi lamang umano dapat na sila ang i-pressure ng DILG na kasama nilang maglabas ng listahan, kundi  kinakailangang kasama rin ang tatlo pang ahensya na bumubuo sa Inter-agency Task Force laban sa iligal na droga.

Ang tinutukoy umano ni Carreon ay ang Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines at National Intelligence Coordinating Agency (NICA), na kasama ng PDEA at PNP Directorate for Intelligence na may kaniya-kaniyang validated na listahan ng mga pulitikong pinaniniwalaang may koneksyon sa illegal drug trade sa bansa.

Ayon sa tagapagsalita ng PDEA, mas maganda umanong ilabas ng apat na ahensya ang kani-kanilang mga validated na listahan nang sa gayon ay mabigat ang ebidensiyang hawak nila laban sa mga pulitikong kasama sa narco-list.