Pinaalalahanan ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko na huwag iboto ang mga kandidato na sangkot sa illegal drug trade na tumatakbong kandidato sa nalalapit na May 2022 national at local elections.
Ang nasabing babala ay inilabas ni PDEA director Gen. Wilkins Villanueva matapos maaresto ang isang mayoralty candidate na dating police officer at apat na kasamahan nito sa isang checkpoint operation sa Mountain Province kung saan nakuhanan ang mga ito ng nasa mahigit P2.2 million halaga ng dried marijuana leaves at isang black Toyota Hi-Ace Grandia.
Sinabi ni Villanueva na ang mga kandidatong sangkot sa illegal drug trade ay hindi karapat-dapat sa boto ng mamamayan at maluklok sa pwesto.
Dagdag pa ni Villanueva na dapat alamin ng mga botante kung sino ang kanilang iboboto at alamin kung ang mga ito ay nakikipagsabwatan sa mga sindikato ng iligal na droga.
Giit pa ng PDEA chief na magtatagumpay lamang ang pamahalaan sa kampanya laban sa iligal na droga kung ang mga iluluklok sa pwesto ay mga lider na ang tunay na hangarin ay makamtan ang isang malaya mula sa banta ng mapanganib na gamot.