Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kanilang sasagutin ang naging rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kaso ang ilang opisyal at tauhan ng PDEA at Bureau of Customs kaugnay sa P1 billion shabu shipment noong 2019.
Inirekomenda kasi ng NBI na sampahan ng kasong graft and grave misconduct sina Customs Commissioner Rey Guerrero, Deputy Commissioner Raniel Ramiro, PDEA Director Wilkins Villanueva at ex-PDEA chief Aaron Aquino.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, hindi pa natatanggap ng PDEA ang kopya ng NBI report, pero kanilang sasagutin ang bawat alegasyon.
Sinabi ni Carreon na ang mga opisyal ng PDEA at mga agents nito na sangkot sa naturang alegasyon ay nakahandang i-clear ang kanilang mga pangalan sa proper forum.
Ang nasabing insidente ay nangyari noong nagdaang PDEA administration.
Si Villanueva ay nag-assume bilang PDEA director noong May 22, 2020 at walang kinalaman sa umano’y shipment ng P1 billion shabu.
Magugunita na ang mga nasabing droga ay naka label na “Tapioca Starch” na inabandona noong March 2019, subalit nadiskubre ito noong May 2019 na ang cargo ay naglalaman ng nasa P1 billion halaga ng iligal na droga.