Pumalo sa mahigit dalawang bilyong piso na halaga ng ilegal na droga ang matagumpay na nakumpiska ng Philippine National Police Drug Enforcement Agency.
Ang naturang halaga ng ipinagbabawal na gamot ay naitala mula buwan ng Enero hanggang buwan ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PDEG Chief Police Brigadier General Eleazar Matta na kabilang sa mga nakumpiskang ilegal na droga ay shabu, marijuana plants, marijuana dried leaves, ketamine, kush, ecstasy, at maging ang cocaine.
Bunga ito ng isinagawang 698 operasyon ng pulisya sa pamamagitan ng buy bust operations, search warrant, at pati na ang marijuana eradication drive.
Kaugnay nito ay matagumpay na naaresto ng pulisya ang nasa 809 drug suspect at nasa 232 wanted persons sa bansa.
Ayon sa PNP, ang kanilang isinagawang operasyon kontra ilegal na droga ay para na rin sa kaligtasan ng publiko lalo na ng mga kabataan.
Alinsunod rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin na magkakaroon ng mapayapang kampanya kontra iligal na droga sa bansa.