ILOILO CITY – Mas pinadali na ang pagbabayad ng utang para sa mga borrower ng mga bangkong ipinasara ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jose G. Villaret Jr., Vice President for Corporate Affairs Group ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), sinabi nito na sa pamamagitan ng Closed Bank Loan Incentive Program (CLIP) 2.0, matutulungan ang mga borrower ng closed banks na padaliin ang pagbabayad ng kanilang utang para maibalik sa maayos ang kanilang credit record, mabawi ang kanilang nakasanlang ari-arian, at magkaroon ng panatag na isip.
Ayon kay Villaret, ang programa ay nagbibigay ng mga incentive para mahikayat ang mga nasabing borrower na agad bayaran ang kanilang mga pagkakautang.
Sa ganitong paraan, mapapanatili nila ang kanilang maayos na credit standing.
Layunin din ng programa na mapalaki ang recovery mula sa pagbebenta ng mga ari-arian ng mga closed bank para sa kapakanan ng mga creditor o mga pinagkakautangan ng mga nagsarang bangko at pamamahagi ng mga ito sa kanila.
Magbibigay rin sila ng mga incentive sa mga borrower ng closed banks na may kabuuang principal balance na ₱1 milyon o mababa pa at magbabayad ng one-time cash payment.
Para sa mga borrower ng mga nagsarang bangko mula taong 2020 hanggang kasalukuyan na may unencumbered clean loans o utang na walang collateral at hindi nakasangla sa mga pinagkakautangan ng nagsarang bangko, ang mga incentive ay ang mga 10% discount o bawas sa outstanding principal at booked interest at iba pang charges, kung meron man at full waiver o lubos na pagpapatawad sa un-booked interest at penalty charges.