-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pagkasuklam at pagkondena ang Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban) sa anila’y minadali at mapang-imbabaw na impeachment ng Kamara de Representantes kay Vice President Sara Duterte na nakatanggap ng 32.2 milyong boto noong 2022 elections na ‘most-voted candidate’ sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa isang statement, sinabi ng partido na pinamumunuan ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na isa itong lantarang pagpapakita ng maruming pulitika, paghamak sa sovereign will ng mamamayang Pilipino at walang patumanggang pag-abuso ng kapangyarihan.

Malinaw aniyang minadali ang impeachment laban sa Bise Presidente na isinagawa ng mga desperadong mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para ilihis mula sa lumalalang sitwasyon ng bansa.

Gayundin para sirain ang tiyansa ng Ikalawang Pangulo na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028 elections.

Binanggit din ng partido na sinabihan na rin mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kamara na itigil ang impeachment complaint at tugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino.

Kayat bakit hindi na lamang aniya tugunan ang lumalawak na ‘discontent’ at ‘frustration’ sa bansa na nagresulta mula sa lumalalang peace and order, graft and corruption at kahirapan.

Sa huli, hinimok ng partido ang lahat ng mga Pilipinong botante na piliing mabuti kung sino ang kanilang iboboto lalo na sa Senado kung saan pagpapasyahan ang magiging kapalaran ni VP Sara sa impeachment.

Nakatakda ngang isagawa ang pagdinig sa impeachment case ni VP Sara sa Hunyo, pagkatapos ng May 2025 elections at kasabay ng pagbabalik sesyon ng Kongreso.