BACOLOD CITY – Tahasang sinabi ng isang opisyal ng PDP-Laban na tututulan nito ang lumilitaw na Duterte-Duterte tandem sa 2022 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PDP-Laban vice president for Visayas Atty. Lutgardo Barbo, sinabi nito na hindi ito papayag sakaling tumakbo si Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangulo at ang ama nito na si President Rodrigo Duterte ang vice presidential candidate.
Aniya, hindi sang-ayon ang PDP-Laban sa political dynasty na makikita naman sa mga Duterte kung saan opisyal din sa Davao City ang kanyang mga anak.
Iginiit din nito na hindi maganda ang rekord ni Pangulong Duterte sa kanyang anim na taong panunungkulan dahil marami ang namatay.
Naniniwala si Atty. Barbo na pinapatulan ni Duterte si Sen. Manny Pacquiao dahil sa kanyang personal na interes na tumakbo sa susunod na halalan.
Dahil dito aniya, hindi nasusunod ang principles ng partido at may “conflict” sa pagitan ng mga miyembro ng PDP-Laban.
Kagaya na lamang daw sa ginawang pulong ni DOE Secretary Alfonso Cusi sa Cebu na hindi approved ni Pacquiao bilang party president.
Sa ngayon aniya, hindi pa nakapagdesisyon ang ruling party kung si Pacquiao o sinumang opisyal ang patatakbuhing pangulo.