-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Tahasang sinabi ng isang opisyal ng PDP-Laban na tututulan nito ang lumilitaw na Duterte-Duterte tandem sa 2022 elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PDP-Laban vice president for Visayas Atty. Lutgardo Barbo, hindi ito payag sakaling tumakbo si Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangulo at ang ama nito na si President Rodrigo Duterte ang vice presidential candidate.

Aniya, hindi sang-ayon ang PDP-Laban sa political dynasty na makikita naman sa mga Duterte kung saan opisyal din sa Davao City ang kanyang mga anak.

Iginiit din nito na hindi maganda ang rekord ni Pangulong Duterte sa kanyang anim na taong panunungkulan dahil marami ang namatay.

Naniniwala si Atty. Barbo na pinapatulan ni Duterte si Senador Manny Pacquiao dahil sa kanyang personal na interes na tumakbo sa susunod na halalan.

Dahil dito aniya, hindi nasusunod ang principles ng partido at may conflict sa pagitan ng mga miyembro ng PDP-Laban.

Ito ay kagaya na lamang sa ginawang pulong ni DOE Secretary Alfonso Cusi sa Cebu na hindi approved ni Pacquiao bilang party president.

Sa ngayon aniya, hindi pa nakapagdesisyon ang ruling party kung si Pacquiao o sino mang opisyal ang patatakbuhing pangulo.