Pinangunahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang national assembly ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Dito ay opisyal na na-nominate sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, at actor na si Philip Salvador bilang kanilang mga kandidato sa pagka senador para sa 2025.
Humarap din ang kanilang party president na si Sen. Robinhood Padilla, bilang campaign manager para sa mga kandidato sa Senado sa 2025.
Pinuri naman ni dating Pangulong Duterte ang mga miyembro ng partido para sa kanilang katapatan, lalo na ang mga nanatili sa kabila ng kakulangan ng suporta sa pananalapi o malalaking tagasuporta.
Ang PDP-Laban ay lumagda ng isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang ilang kaalyadong partido, kabilang ang Partido Reporma, Hugpong ng Pagbabago, Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), at ang Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD NECC).
Ang kasunduan ay nagpapahintulot sa partido na tumanggap ng karagdagang nominasyon para sa mga kandidato sa senado mula sa ibang partido hanggang Oktubre 8, ayon kay PDP-Laban Vice Chairperson Alfonso Cusi.
Samantala, sa Partido Aksyon Demokratiko naman na pinamumunuan ng dating Manila Mayor na si Isko Moreno, nanumpa na si Agri Partylist Rep. Wilbert Lee.
Si Lee ay sinasabing tatakbo bilang senador ng grupo, ngunit hindi pa naman nabanggit ang ibang makakasama nito sa lineup.
Gayunman, ikinokonsidera ding isama sa mga kandidato nila ang dating vice presidential candidate na si Dr. Willie Ong, ngunit dahil sa isyu ng kalusugan ay wala pang kumpirmasyon kung sasama ito.
Matatandaang una nang umamin ang doktor na na-diagnose sya na may cancer aat dumaraan ngayon sa masusing proseso ng gamutan.