-- Advertisements --

Binatikos ni Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) National Executive Director Ronwald Munsayac si presidential spokesperson Harry Roque.

Kasunod ito sa naging pahayag ni Roque na dapat ituloy ang isasagawang national assembly sa pangununa ni PDP-Laban vice chair at Energy Secretary Alfonso Cusi base na rin sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinaad pa ni Roque na ang hakbang ay isang democratic exercise na layon ay konsultahin ang miyembro ng partido para magkaroon ng matagumpay ng pagpapalitan ng kuro-kuro na nakakaapekto sa partido.

Sinabi naman ni Munsayac, nakasaad sa by laws ng kanilang partido na tanging ang chairman sa pamumuno ni Pangulong Duterte sa pakikikpag-ugnayan sa pangulo ng partido na si Sen. Manny Pacquiao ang maaaring magtawag ng National Council o kaya assembly.

Sakaling ang ipinapatawag na pagpupulong ay may basbas ng kanilang chairman ay pinagtatakhan nito kung bakit hindi siya nakatanggap ng formal communication.

Magugunitang pinuna ni Pacquiao si Cusi dahil sa paglabag daw sa konstitusyon ng kanilang partido dahil sa pagtawag nito ng national assembly na dapat ay nasa kapangyarihan ni Pangulong Duterte.