ILOILO CITY- Nakatakdang magtipon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong araw upang pag-usapan ang energy crisis na nagresulta sa total blackout sa buong Western Visayas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo Governor Arthur Defensor Jr., sinabi nito na ang nasabing pagtitipon ay kaugnay sa direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na solusyonan ang problema ng Panay, Guimaras at Negros sa kuryente.
Ayon kay Defensor, binigyang-diin ng pangulong Marcos ang kahalagahan ng ilang hakbang katulad ng regular na pag-update sa mga kaugnay na kawani tungkol sa estado ng Visayas grid, pagbuo sa Cebu-Negros-Panay backbone project, at pagpapabilis sa paglagda ng Ancillary Service Procurement Agreement.
Pag-uusapan rin anya ang pagtitiyak sa reliability ng bawat Visayas sub-grids at pagpapabilis sa paglagda ng Ancillary Service Procurement Agreement kasama ang Energy Regulatory Commission.
Ang ancillary services ang sumusuporta sa transmission ng power mula sa generators papunta sa consumers upang matiyak ang reliable operations at kinakailangan sa pamamahala ng power fluctuations.