KORONADAL CITY – Nagpasa ng resolusyon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng North Cotabato na humihikaya’t sa provincial board na isailalim sa state of calamity ang lalawigan.
Ayon kay Gov. Nancy Catamco, naabot na ng North Cotabato ang “epidemic threshold” kung saan umakyat na 16 ang namatay dahil sa dengue at pumalo sa mahigit 221% ang itinaas ng kaso nito kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Sa kabila umano ng massive government drive laban sa dengue patuloy pa rin ang paglobo ng bilang nito.
Kaugnay nito, inaasahan na ang pag-apruba ng sanggunian ng North Cotabato upang magamit ang 5% sa annual budget nito upang malabanan ang pagdami pa ng mga biktima ng dengue.
Una nang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng Banisilan at Alamada sa nabanggit na lalawigan.