DAGUPAN CITY- Nagsasagawa ng pre-disaster risk assessment meeting ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC Pangasinan kaugnay sa posibleng epekto dito sa lalawigan ng tropical depression ‘Jenny’.
Ito mismo ang kinompirma sa Bombo Radyo Dagupan ni Avenix Arenas, Spokesperson ng naturang tanggapan.
Ayon sa opisyal,mismong si Gov. Amado ‘Pogi’ Espino III ang nag utos na magsagawa ng assesment meeting ang PDRRMC. Ipinag utos aniya nito na kausapin ang lahat ng council members at paghandaan ang posibleng epekto ng bagyong Jenny.
Pahayag pa ni Arenas, 48 LGU’s o mga response disasters mula sa iba’t ibang bayan ang nakatakdang dumalo sa nasabing pagpupulong.
Alinsunod sa Memorandum Circular No 2018-73, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government heads na iorganisa ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMC) at magsagawa ng pre-disaster risk assessments sa mga lugar na kalimitang binabaha o biglaang binabaha at madalas na nakararanas ng landslide na sanhi ng matinding pag-ulan.
Matatandaan na kabilang ang lalawigan ng Pangasinan sa mga lugar na nakataas ang tropical cyclone wind signal number 1 dahil sa bagyong jenny.
Maaga na ring sinuspende ang klase sa lahat ng antas dito sa probinsya dahil sa nararanasang sama ng panahon.