-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sumailalim sa oryentasyon hinggil sa Pestaloptiopsis leaf fall disease in rubber ang mga Disaster Risk Reduction and Management Officers Association (DRRMOA) sa buong lalawigan ng Cotabato na ginanap sa BAC Building ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Matalam.

Ang pagbibigay ng oryentasyon ay pinangunahan ng SOCCSSARGEN Agriculture, Aquatic and Natural Resource Research and Development Consortium (SOXAARRDEC) at University of Southern Mindanao na imibitahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Ang nasabing aktibidad ay isinabay sa regular monthly meeting ng DRRMOA na naglalayong sila ay mabigyan ng kaalaman hinggil sa bagong nadiskubreng sakit sa rubber at ang mga sintomas nito at kung paano ito maiiwasan.

Pinag-usapan din sa nasabing pagpupulong ang Executive Order No. 11 na ipinalabas ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño na pansamantalang nagbabawal sa pagpasok ng mga rubber planting materials mula sa probinsya ng Basilan at Zamboanga Peninsula at pagpapalakas ng surveillance at monitoring upang mapigilan ang pagpasok ng nasabing sakit.

Dumalo sa nasabing pagpupulong si SOXAARRDEC Director Dr. Josephine R. Migalbin, Matalam Vice Mayor Ralph Ryan H. Rafael, Senior Science Research Specialist Dr. Jill D. Villanueva ng Philippine Rubber Research Institute (PRRI), PDRRMO Acting Head Arnulfo A.Villaruz at iba pang opisyal ng DRRMOA.