CENTRAL MINDANAO-Personal na nagpaabot ng kanyang pagbati si Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) matapos itong mapili bilang isa sa mga regional and national awardees sa 22nd Gawad Kalasag Seal for DRRM ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ito ay matapos ibalita ni PDRRMO Head Mercedita Foronda sa isinagawang PDRRM Full Council Meeting na nakuha ng probinsya ng Cotabato ang beyond compliant award dahil sa mahusay at maayos nitong pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa disaster preparedness and resiliency.
Sa darating na Disyembre 2, 2022 ay gaganapin ang regional awarding sa Greenleaf Hotel sa General Santos City. Samantalang ang national awarding naman ay gaganapin sa kalakhang Maynila sa darating na December 7, 2022.
Labis naman ang pasasalamat ng gobernadora sa lahat ng mga indibidwal at ahensyang naging katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pagharap sa krisis at kalamidad na pinagdaanan ng lalawigan.
Samantala, ipinaabot din nito ang pagbati sa bayan ng Arakan na nakakuha din ng beyond compliant award at sa mga bayan ng Alamada, Aleosan, Carmen, Libungan, Magpet, Matalam, Pigcawayan, Midsayap, Tulunan at Kidapawan City na nakakuha naman ng fully compliant award for cities and municipalities category.
Ngayong taon abot sa 135 beyond compliant at 436 fully compliant Local Government Units sa buong Pilipinas and makakatanggap ng award mula Gawad Kalasag Seal for Excellence Ng NDRRMC.