Wala pang iniuulat ang Provincial Disaster Riske Reduction Management Office (PDRRMO) na may mga residente na mula sa Cagayan at Batanes ang inilikas dahil sa Bagyong Julian.
Ito’y sa kabila ng nararanasang pag-ulan at malakas na hangin sa mga nasabing probinsiya.
Tiniyak naman ng pamahalaang lokal ng Cagayan at Batanes na nakahanda na sila at sa katunayan nakalatag na ang kanilang contigency plan.
Naka-alerto na rin sa ngayon ang mga otoridad bilang paghahanda sa paghagupit ng bagyong Julian.
Ayon kay Cagayan PDRRMO head Ruelie Rapsing sa kasalukuyan ay nakakaranas ang Cagayan ng moderate to heavy na pag-ulan habang ang southern portion ng probinsiya ay nakakaranas ng light to moderate na pag ulan.
Sinabi ang binabantayan ngayon o ang tinaguriang hazards ay ang mga nasa shoreline o dalampasigan dahil sa posibleng magkaroon ng landslide.
Ayon kay Rapsing isinailalim na sa red alert ang northeastern municipalities at naka pre-deployed na sa ngayon ang mga quick response teams.
Naka pre-positioned na rin ang mga food and non-food items,maging ang mga assets na kailangan para sa gagawing preemptive evacuation.
Itinaas ngayon sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang northeastern portion ang mainland Cagayan ang Santa Ana at ang eastern portion ng Babuyan Islands.
Dagdag pa ni Rapsing na ang mga lugar na ito ay magkakaroon ng malalakas na hangin na may bilis na 62 hanggang 88 km/h sa loob ng 24 na oras.
Samantala, sa Batanes, sinabi ni PDRRMO head Roldan Esdicul na mahina hanggang katamtamang pag-ulan din ang kanilang nararanasan.
Siniguro ni Esdicul na nakahanda na rin ang mga evacuation centers.
Hindi pa rin nagsasagawa ng preemptive evacuation ang LGU ng Batanes dahil medyo tolerable pa rin ang panahon.
Ang Batanes, kasama ang iba pang mga lugar, ay kasalukuyang nasa ilalim ng TCWS No. 1, ibig sabihin, ang malalakas na hangin na may bilis na 39 hanggang 61 km/h ay maaaring maranasan sa loob ng 36 na oras, na naghahatid ng minimal hanggang maliit na banta sa buhay at ari-arian.
Sinabi ni Esdicul na patuloy ang paghahanda para kay Julian, na maaaring mag-landfall o malapitan sa Batanes at/o Babuyan Islands sa Lunes.