Masayang inanunsyo ng Police Regional Office-7 na mayroong napakagandang peace and order situation ang Central Visayas kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Nakitaan kasi ng makabuluhang pagbaba sa 49.04% ang peace and order crime sa rehiyon kung saan 345 na mga kaso ang naitala mula Pebrero 19 hanggang 25, kumpara sa 677 na mga kaso sa parehong period noong nakaraang taon.
Bumaba rin sa 24.62% ang focus crimes na kinabibilangan ng Murder, Homicide, Physical Injury, Rape, Robbery, Theft, at Carnapping kung saan naitala ang 49 na kaso kumpara sa 65 noong nakaraang taon.
Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na resulta pa ito sa walang humpay na kampanya at operasyon ng pulisya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Upang mapanatili pa ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon, sinabi ni Pelare na ipagpapatuloy nila ang isasagawang mga police operations laban sa ilegal na droga, pagsusugal at mga wanted persons.