BACOLOD CITY — Nagsanib pwersa ang Philippine Army, Philippine National Police, provincial government ng Negros Occidental at mga civic organizations upang magsagawa ng “A Day for Peace” kasabay ng 53rd anniversary ng New People’s Army ngayong Marso 29.
Alas-6:00 ng umaga, nagsimula ang Peace Caravan sa Escalante City patungong Pope John Paul II Museum sa Bacolod, bago nag-ikot sa lungsod, kasama si Escalante City Mayor Melecio Yap.
Ito ay sinundan ng Prayer for Peace sa Pole of Peace sa Provincial Capitol Park na dinaluhan din ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson.
Nagbigay ng panalangin sina 303rd IB acting commander Col. Michael Samson at Negros Occidental Police Provincial Office director Police Col. Romy Palgue.
Dumalo rin sa programa at nagbigay ng panalangin ang Girl Scouts of the Philippines Negros Occidental, Provincial Council for Women, DepEd, mga empleyado ng Kapitolyo, Provincial Liga ng mga Barangay, at iba pang mga grupo.
Nitong nakaraang mga araw, naglipana sa bayan ng Salvador Benedicto ang mga plakards kung saan nakasulat ang mga salitang kumukondena sa NPA ngunit tinutukoy pa ng PNP kung sino ang may pakana nito.
Nakaraang linggo naman, 10 miyembro ng NPA ang namatay at isa ang sugatan sa sagupaan laban sa militar sa Guihulngan City, Negros Oriental.