-- Advertisements --

Inakyat ng tinaguriang “French Spiderman” na si Alain Robert ang isa sa pinaka-mataas na gusali sa Hong Kong upang maglagay ng tila isang “peace flag”.

Ginawa ni Robert ito kasabay ng patuloy na kaguluhan sa Hong Kong kung saan libo-libong mamamayan ang nangangalampag sa kanilang gobyerno upang magbitiw na si Hong Kong leader Carrie Lam.

Sa kabila ng mainit na panahon ay tiniis ng 57-year-old adventurer na akyatin ang 68-storey building na matatagpuan sa main business district ng lungsod.

Dito ay inilagay niya ang bandila kung saan makikita ang Hong Kong at Chinese flags at tila dalawang kamay na nagha-handshake.

Nais umano ni Robert na ipahatid ang mensahe ng kapayapaan sa pagitan ng mamamayan ng Hong Kong at gobyerno nito.

Subalit hindi ikinatuwa ng iilan ang ginawang ito ng French Spiderman.

Para sa kanila, hindi raw dapat makipag-kamay sa mga itinuturing na butchers at diktador.

Nagpapakita lamang daw ito ng pagiging ignorante ng mga banyaga sa isyu na kinakaharap ngayon ng Hong Kong laban sa China.