-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni Labor Sec. Silvestre Bello III na pagpasok ng 2020 ay muling itutuloy ng pamahalaan ang peace talks nito sa hanay ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Bello, na siyang umuupong pinuno rin ng government peace panel, na napapayag nila si CPP founder Jose Maria Sison na gawin sa Pilipinas ang pagre-resume ng usaping pang-kapayapaan sa ikalawang linggo ng Enero.

Nitong December 6 nang tumungo sa Netherlands si Bello, alinsunod na rin sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa niyang buksan ang peace talks muli sa mga komunistang grupo.

Pumayag umano ang pangulo na gawin sa naturang petsa ang schedule ng peace talks.

Paliwanag ni Bello, malaking tulong na matutuloy ang usapang pang-kapayapaan ng dalawang hanay para tuluyan na umanong makamit ang kaunlaran at kapayapaan sa bansa.