Wala umanong balak ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na irekomenda na buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na siyang breakaway faction ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, wala sa kanilang hurisdiksiyon na makipag-usap sa BIFF kung saan ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang may mandato rito.
“It’s not for us to talk about that ano, meron tayong Office of the Peace Process or presidential adviser on the peace process, probably that will be something that they could talk about, take up later,” pahayag ni Arevalo.
Sa panig naman ng militar, ayon kay Arevalo na mayroon silang pamamaraan ukol dito na hindi sila lalabag sa umiiral na batas.
Pahayag ng opisyal na lahat pamamaraan na magresulta sa pangmatagalang kapayapaan ay suportado ng militar.
Sinabi ni Arevalo mahalaga na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan dahil maraming hamon ang kinakaharap ng militar na kanilang dapat pagtuunan ng pansin lalo na sa paglaban sa terorismo kasama na ang humanitarian and disaster reponse sa panahon ng kalamidad.
“Nakaparami nating hinaharap na kailangan nating mas pagtuunan ng pansin, ang patuloy nating pagsasanay at paga-upgrade ng capability at kagamitan ng armed forces, kung hindi po natin gagamitin ang perang ginagamit natin ngayon sa labanan at ito po ay magagamit na natin na pera, o salapi pondo sa modernisasyon ng armed forces, napakalaking tulong po ito,” paliwanag ni Arevalo.