-- Advertisements --

Ibinabala ng state weather bureau na nakatakdang maranasan pa lamang ang peak ng tag-init sa Pilipinas.

Ito ay sa kabila pa ng napakainit na panahong nararanasan ngayon sa ating bansa.

Ayon kay weather specialist Chenel Domiguez, ang kasalukuyang mataas na temperatura ay maaaring tumindi pa sa mga susunod na araw at linggo na posibleng umabot hanggang sa Mayo. Bagamat hindi pa aniya ito ang peak ng pinaka-tag-init.

Ang patuloy na nakakaapekto ngayon sa malaking parte ng bansa ay ang umiiral na Easterlies na nagpapataas sa temperatura at heat index levels sa ilang mga rehiyon.

Kung saan, base sa forecast ng bureau, nasa 28 lugar sa bansa ang inaasahang makakaranas ng heat index levels na nasa danger category mula 42 hangagng 51 degrees Celsius.

Sa Metro Manila, inaasahang makapagtala ngayong araw ng heat index na 41 hanggang 42 degrees Celsius habang inaaasahan namang makakapagtala ng pinakamataas na heat index na 45 degrees Celsius sa Tuguegarao, Cagayan.

Ilang mga probinsiya din ang inaasahang makakaranas ng extreme heat partikular na sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western at Central Visayas.

Habang makakaapekto naman sa ilang parte ng Mindanao ang intertropical convergence zone.

Sa ngayon, ayon sa bureau walang sinyales ng southwest monsoon o habagat season na karaniwang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.

Patuloy naman na inaabisuhan ang publiko na manatiling hydrated, magsuot ng light-colored na damit at iwasang lumabas ng bahay maliban na lamang kung kinakailangan.