-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nanawagan sa publiko si retired Maj. Simplicio “Bobet” Sagarino, head ng police Anti-Scam Unit sa lungsod na ‘wag kaagad agad magpaloko sa mga nagkukunwaring abogado.

Ayon sa opisyal mas mabuti umano na pumunta na lamang sa mga lehitimong abogado na may mga opisina.

Ang babala ay kasunod sa pagkakahuli sa isang pekeng abogado sa isinagawang entrapment operation ng mga miyembro ng Anti-Scam Unit Davao City at National Bureau of Investigation (NBI-XI) sa loob mismo ng Hall of Justice sa bahagi ng Ecoland sa lungsod.

Una nang nakilala ang suspek na isang Wilhermo Rowena.

Ayon kay Sagarino, humihingi ng tulong sa kanilang opisina ang isang complainant na may kamag-anak na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga matapos na hindi umano sumipot ang isang abogado na kanilang kinuha mula sa Hall of Justice patungkol sa pagdinig sa nasabing kaso.

Dahil dito, inimbestigahan ng Anti-Scam Unit ng siyudad at NBI ang nasabing insidente at agad na nakipag-ugnayan sa Integrated Bar of the Philippines o IBP-Davao Chapter, Hall of Justice pati na sa Supreme Court para i-verify ang pangalan ni Rowena.

Ngunit bigo ang otoridad na makita ang pangalan ng suspek sa opisyal na listahan kaya dito na isinagawa ang operasyon hanggang sa nalaman na isa pala itong pekeng abogado.

Matagumpay na nahuli sa loob mismo ng Hall of Justice ang suspek na nakasuot pa ng barong sa kasagsagan ng operasyon.

Sa kasalukuyan nasa kustodiya na ng NBI si Rowena at nakatakdang sampahan ng kasong may kaugnayan sa panloloko.