-- Advertisements --

Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) Anti Cybercrime Group (ACG) ang imbestigasyon sa ilang pekeng accounts na umano’y nanghihingi ng mga donasyon para sa krisis sa Marawi.

Ayon kay PNP-ACG chief S/Supt. Michael Angelo Zuniga, kanila na itong minomonitor at kung mapatunayan na mga manloloko ang mga ito ay kakasuhan nila ito ng estafa.

Sa ngayon sinabi ni Zuniga na wala pang nagre-report sa kanila ukol sa mga pekeng account na nanghihingi ng donasyon na idinadaan sa social media.

Giit ni Zuniga na kapag may nag-report sa kanila, tanging preventive measures lamang ang kanilang gagawin gaya ng pag-delete sa nasabing mga account.

At kapag nagkaroon ng money transfer na labag sa batas ay sasampahan nila ito ng kaso.

Dagdag ni Zuniga, patuloy ang kanilang information sharing sa Armed Forces of the Philippines lalo na sa mga pekeng account na ginagamit ng mga lokal na terorista.

No comment naman si Zuniga kaugnay sa mga account na ginagamit ng teroristang Maute lalo na sa kanilang mga propaganda.