Kumakalat sa social media ang AI-generated na maseselang larawan ni Taylor Swift o tinatawag na deepfake. Dahil dito, agad na nagpahayag ng pagkondena ang mga fans ng pop star sa social media sa pamamagitan ng pagpapa-trend ng hashtag na #ProtectTaylorSwift.
Nagbigay ng reaksyon ukol dito si White House Press Secretary Karine Jean-Pierre kung saan sinabi niya na ito ay nakaka-alarma dahil isa itong pag-atake sa kababaihan.
Hindi na bago ang pekeng maseselang larawan ng mga sikat na personalidad ngunit dahil sa teknolohiya partikular na ang artificial intelligence ay mas napapadali ang paggawa ng deepfake na mukhang mas kapani-paniwala.
Hindi lamang mga sikat ang nabibiktima nito dahil tumataas din ang mga naiulat na kabataang naha-harass sa social media gamit ang mga pekeng larawan nito.
Ayon sa mga mananaliksik, mas tumaas ang bilang ng mga nabibiktima ng deepfake sa paglipas ng taon dahil mas nagiging madali umano para sa mga tao ang gumawa nito.
Sa ulat ng AI firm na DeepTrace Labs, ginagamit ang mga pekeng maseselang larawan laban sa mga kababaihan at ang madalas na biktima nito ay mga Hollywood celebrities at South Korean pop singers.