Kinumpirma ni Sen. Christopher “Bong” Go na nagsilbi bilang abogado ng Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong talagang commissioner ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Go, matagal ding naging abogado ng Presidente si Michael Braganza Peloton na isang mahusay at “competent” para sa puwesto.
Sinasabing si Peloton ay dating board member din ng Philippine Reclamation Authority at nagtrabaho rin sa Office of the Special Assistant to the President.
Si Peloton ang papalit kay Commissioner Tito Guia na nagretiro na sa pwesto.
Pirmado ni Pangulong Duterte ang appointment paper ni Peloton nitong Setyembre 17 at mananatili ito sa posisyon hanggang Pebrero 2, 2027.
Una rito, inianunsyo ni Comelec Chairman Sheriff Abas ang appointment ni Peloton sa komisyon.
Ipinagmalaki nito si Peloton na may karanasan sa “field of law and information technology.”
“Commissioner Peloton is a timely addition to the Commission en banc as his vast experience in the field of law and information technology will highly contribute in our thrust to further improve and revolutionize our electoral processes,” ani Abas.