-- Advertisements --

Ipinahayag ng kontrobersyal na director na si Darryl Yap na hindi na matutuloy ang pagpapalabas ng kaniyang pelikula na “The Rapists of Pepsi Paloma” sa lahat ng sinehan dito sa Pilipinas.

Ito’y matapos amining hindi nila natapos ang mga dokumentong kinakailanganan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa requirements ng pagpapalabas ng pelikula ng yumaong sexy star na si Pepsi Paloma.

‘Ipinaaabot ko po sa lahat ng nakasubaybay na bigo po ang panig ng inyong lingkod na agarang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng pamunuan ng MTRCB kaya’t imposible pong maipalabas ang ating pelikula sa February 5,’ ani Yap sa kaniyang statement sa social media.

Dagdag pa nito na pinagiisipan na ng kanilang team na ipalabas na lang umano ang nasabing pelikula sa ibang bansa o mag focus na lang sa mga streaming platform.

‘Pinag-iisipan na rin ang posibilidad na maunang maipalabas ito sa labas ng bansa o ipagpaliban na ang pagpapalabas sa sinehan at mag-pokus na lamang sa streaming platforms. Kung anu’t anuman ay agad itong malalaman ng publiko. Maraming salamat po,’ ayon pa sa director.

Kaugnay pa nito sinabi pa ng director na ‘natanggal man ang tansan, nananatili ang iyong ispirito.’

Sa comment section naman ng kaniyang statement bignigyan diin nito na ‘Puno na rin kasi ang February at March, pero makakahanap lang kami ng available screening dates once ok na ang hinihinging karagdagang documents. Salamat!’

Samantala, maaalalang sinabi ng MTRCB na kaya nila hindi tinanggap ang materials mula sa distributor na PinoyFlix ay dahil umano kulang ang ilang mga kinakailangang dokumento nito.

Ayon pa sa legal affairs ng division board ng ahensya tatlong mahahalagang dokumento aniya ang kailangan masumite ng distributor sa kanila kabilang ang certificate o clearance na nagpapatunay na ‘walang nakabinbin na kasong criminal, civil, o administrative cases ang nasabing pelikula.

Una nang kinasuhan ni Vic Sotto si Yap ng 19 counts ng cyberlibel hinggil sa teaser ng pelikula kung saan ipinakita na si Sotto ay isa sa mga hinihinalang rapist ni Paloma, na nagdulot ng pag file ng petisyon ni Vic Sotto ng writ of habeas data para ipatanggal ang teaser na kalaunan naman ay ipinagkaloob ng Muntinlupa Regional Trial Court ngunit hindi nito pinigilan ang pagpapalabas ng pelikula ni Yap.