Tuluyan na ring pinigil ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas sa mga sinehan sa Pilipinas ng pelikulang “Abominable.”
Ayon kay MTRCB chair Rachel Arenas, naiintindihan ng kaniyang opisina ang kalagayan na dala ng nasabing pelikula.
Tiniyak din ni Arenas na tinanggal na sa lahat ng sinehan sa bansa ang nasabing movie.
Magugunitang umani nang batikos ang nasabing pelikula matapos na ipakita sa isang eksena ang mapa ng China na “nine-dash line” na una ng idineklarang iligal ng Permanent Courts of Arbitration sa The Hague, Netherlands.
Sa ngayon ang Malaysia na ang ikatlong bansa na umalma sa naturang pelikula.
Una na ring pina-pullout ng Vietnam ang showing ng pelikula.
Hindi rin nagustuhan ng Malaysia ang pagkakasama ng kontrobersyal na mapa ng China sa pelikulang na ang Hollywood producer ay DreamWorks at isang Chinese co-production.
Nais naman ng mga censors ng Malaysia na tanggalin sa pelikula ang parte na nandoon din ang tinaguriang “nine-dash line” map.
Kung tutuusin ang “Abominable” ay isang animated children’s movie na wala namang kinalaman sa magulong usapin ng South China Sea.
Ang mapa ay nagsilbi lamang backdrop sa animated movie.
Kabilang sa character sa pelikula ay isang Chinese girl mula sa Shanghai.