BAGUIO CITY – Bida ang aktres na si Sue Ramirez at ang comedian na si Jelson Bay sa drama film na Finding Agnes na mapapanuod na ngayon worldwide sa Netflix.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 24-year old actress, ibinahagi nito na naiiba ang kaniyang role bilang si Cathy Duvera na ipinanganak at lumaki sa bansang Morocco.
“I think Finding Agnes was the perfect project talaga for me. Ibang-iba siya sa mga usual ko na ginagawa. I am portraying a lady who is born and raised in a different country, so I had to make adjustments in the way I talk. May mga lines ako doon na Darija, so medyo kinailangan ko ding magpaturo. What’s different with Cathy – I see to it that every project that I do, every character that I do is different from one another. Just the fact na sa ibang bansa ako ipinanganak at lumaki, makes it different from all the projects that I’ve done before,” saad ni Ramirez.
Inamin rin ng aktres na naging exciting ang shoot na naganap sa bansang Morocco na inihambing ng aktres na pawang maraming pagkakatulad sa Pilipinas, kaya hindi umano sila nahirapan sa taping.
“Hindi siya naging masyadong mahirap for me kasi Moroccans, parang mga Pinoy. They are very, very hospitable. Para ka lang nasa Pilipinas kapag nandoon ka, yun ang pakiramdam ko, so hindi kami nahirapang mag shoot,” dagdag nito.
Tila new experience din ang pelikula para kay Jelson (“Ang Pangarap Kong Holdap”) na kilala bilang isang komedyante. Ginagampanan nga ng aktor ang role ni Virgilio “Brix” Rivero.
“Naku! Para akong sinusunog,” biro nito. “This film kicked me out of my comfort zone talaga. Talagang nag labor ako dito. Ito, napakaseryoso, at andaming emotional baggage. Napaka-challenging.”
Ipinagmalaki rin naman ng first-time film director na si Direk Marla Ancheta ang pelikula at ang kanilang naging memorable shoot sa Morocco.
“First time ko yun to shoot in a different country, and first movie ko din ito. Ang saya ng experience. Parang hindi siya work kasi magkakasama lang kami sa isang bahay. Ang ganda lang din kasi ng Morocco. Ang ganda nung bansa. Number one yung weather,” pagbabahagi ng director.
Ang film directorial debut ni Direk Ancheta na Finding Agnes ay patungkol sa isang entrepreneur (Bay) na nagtungo sa Morocco para makakuha ng kasagutan sa pagkawala ng kanyang ina at dito niya nakilala ang adopted daughter (Ramirez) nito.
Kasama rin sa cast sina Sandy Andolong at Roxanne Guinoo.