Habang naghahanda ang Democrats sa US House of Representatives para sa impeachment muli kay President Donald Trump sakali man na hindi ito bababa sa puwesto, sinabihan ni Speaker Nancy Pelosi ang top generals ng militar na huwag pahintulutan si Trump na magkaroon ng access sa launch codes ng kanilang nuclear missiles sa mga huling araw ng termino nito.
Ginawa ito ni Pelosi dalawang araw matapos na pinayuhan ni Trump ang kanyang mga tagasuporta na magtungo sa US Capitol, na siyang dahilan nang kaguluhan sa lugar nang lusubin ng mga raliyesta ang naturang gusali na nag-iwan din ng apat na patay at marami ang inaresto.
Ayon sa source, may katiyakan na nakuha si Pelosi mula sa chairman ng Joint Chiefs of Staff na si Army General Mark Miley patungkol sa mga hakbang sakali man na subukan ni Trump na gamitin ang launch codes para sa nuclear weapon ng US.
Bagama’t mayroon naman talagang access ang mga presidente ng US sa codes na kailangan para sa pagpapalipad ng kanilang nuclear weapons, walang top military o national security officials naman ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala hinggil sa estado nang pag-iisip ni Trump patungkol sa nuclear weapons.