Personal na idinipensa ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pasya na pagbibigay ng absolute pardon sa convicted na si US Marine LCpl. Joseph Scott Pemberton.
Pahayag ito ni Pangulong Duterte ilang oras matapos lumabas ang ulat na binigyan na nito ng pardon si Pemberton sa gitna ng isyu sa computation ng kanyang good conduct time allowance (GCTA).
Sa kanyang Ulat sa Bayan, sinabi ng Pangulong Duterte na wala raw kasalanan si Pemberton kung mali ang pag-compute sa kanyang GCTA credits.
“‘Pag walang record di mo malaman kung nabilang ba o hindi. Pag ka ganon hindi kasalanan ni Pemberton. He is not required to keep a record of his own and characterize his behavior while inside the prison,” wika ni Duterte.
“So sabi ko kay Justice Secretary, Medialdea, pati si Secretary… ‘Correct me if I’m wrong but ito ang tingin ko sa kaso. You have not treated Pemberton fairly. So i-release mo’,” dagdag nito.
Kaya naman, naniniwala rin ang Punong Ehekutibo na naging patas lamang siya sa pagbibigay ng absolute pardon sa Amerikanong sundalo.
“Pardon. Ang pardon walang maka-question niyan. Kaligayahan ko na lang magpakulong ng mga buang, mga gago but it is time that you are called upon to be fair, be fair,” anang pangulo.
Matatandaang batay sa desisyon ng Olongapo Regional Trial Court, kwalipikado raw si Pemberton sa GCTA dahil sa pagsunod sa mga regulasyon ng Bureau of Corrections.
Lagpas na rin daw sa maximum penalty na 10 taon ang pinagsilbihan nito para sa kasong homicide bunsod sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Nakapiit na ng 2,142 araw si Pemberton at idinagdag dito ang 1,548 araw dahil sa ipinakita nitong magandang asal sa ilalim ng GCTA rule.
Pero sa panig ng pamilya Laude, kinuwestiyon nila kung paano na-compute ang GCTA at kung ano ang patunay sa magandang pag-uugali ni Pemberton sa bilangguan.
Nakapiit si Pemberton sa isang pasilidad sa Camp Aguinaldo sang-ayon sa probisyon ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.