NAGA CITY – Naging mapayapa ang pagdiriwang ng kapistahan ni Nuestra Señora de Peñafrancia sa lungsod ng Naga.
Ito’y dahil sa mas pinahigpit na pagpapatupad ng mga security measures dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang pahayag, hinikayat ni Naga Mayor Nelson Legacion ang mga mamamayan at mga deboto na manatili na lamang sa kanilang bahay at manalangin na matapos na ang pandemya.
Nabatid na mayroong ilan pa ring mga deboto ang nagpunta sa Simbahan ngunit limitado lamang ang mga ito kung ikukumpara sa milyun-milyong mga deboto noong nakaraang mga taon na nagmula pa iba’t ibang lugar para sa fluvial procession at iba pang malalaking aktibidad.
Nabatid na ito ang unang beses na isinagawa at ipinagdiwang ang nasabing kapistahan sa limitadong paraan.
Kung maaalala una nang kinansela ang Traslacion, Fluvial Procession at iba pang malalaking aktibidad para sa Peñafrancia Festival dahil sa health crisis.
Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Monsignor Noe Badiola, rector and parish priest ng Metropolitan Cathedral, nagpasalamat ito sa mga dumalo at nakiisa sa isinagawang banal na misa.
Kahit pa nga aniya nasa labas lamang umano ang mga ito ng Simbahan at ang iba naman ay sa pamamagitan lamang ng pakikinig sa kanilang live streaming.