KALIBO, Aklan—Bigong madepensahan ng Aklanon athlete na si Mary Francine Padios ang hawak nitong gintong medalya matapos matalo ng katunggaling atleta mula sa Malaysia sa larong pencak silat sa nagpapatuloy na Southeast Asian o SEA Games 2023 sa Phnom Penh, Cambodia.
Aniya, sampung hurado ang humusga sa kanilang performance sa artistic kung saan, dismayado ito sa naging resulta dahil sa masyadong magkaiba ang kanilang naging galaw.
Ngunit, wala na umano siyang magagawa kundi mag-move on na lamang kahit masakit sa pakiramdam na walang maiuuwing medalya para sa Pilipinas.
Nagbiro pa ito sa Bombo Radyo na nagbakasyon lamang siya sa Cambodia at papauwi na rin sa susunod na araw.
Sa kabilang dako, kahit nabigo si Padios ay nakasungkit parin ng dalawang bronze medals sina Shara Julia Jizmundo at Zandro Fred Jizmundo Jr. habang wala ring napasakamay na medalya sina Hanna Mae Ibutnande at Jasper Jay Lachica.
Nabatid na bago pa man sumabak ang mga Aklanon pencak silat athletes sa 32nd SEA Games 2023 ay sumailalim ang mga ito sa isolation training sa Lipa, Batangas sa pangunguna ng Philippine Sports Commission.