Pini-pressure ngayon ni US House Speaker Nancy Pelosi si Vice President Mike Pence na gumawa na ng aksiyon upang maalis sa kaniyang opisina sa White House si outgoing US President Donald Trump.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa nangyaring kaguluhan sa US Capitol na kagagawan umano ng Republican President.
Inaasahan na maglalabas ng resolusyon ang mga mambabatas na humihiling kay Pence na gamitin na ang 25th Amendment upang ideklarang hindi na angkop para sa kaniyang katungkulan si Trump.
Kapag tinanggihan ito ni Pence, mapipilitan ang Democrats na bomoto upang i-impeach si Trump na nag-udyok sa kaniyang mga supporters na magmartsa sa US Capitol.
Sa kasalukuyan, wala pang inilabas na pahayag si Trump sa publiko matapos siyang i-ban na rin sa maraming mga social media platforms kabilang na ang Twitter.
Inaasahan na aalis si Trump sa White House sa Enero 20 at papalit sa kaniya si US President-elect Joe Biden. (with report from Bombo Jane Buna)